jueves, febrero 08, 2007

Sirkulo.

"I cry because I have a beautiful country which has been ravaged by its own people. I cry because I know in the days to come there will be more violence, anarchy, sadness and frustration among us. I cry because I see the opportunities wasted and lost and the many yet unborn who will have to suffer and pay the cost..."

-F. Sionil Jose, Ermita




Hindi na nakagugulat isipin ang kalagayan ng bansa natin sa kasalukuyan. Samu't saring problema and tila nagbabadya para sa paglugmok ng bayang pilit na itinatayo tungo sa apoy ng kasakiman. Marahil iisipin natin, (nating mga kabataan): "Ano pa ang halaga ng pagmamalasakit sa bayan kung sa pagmithi ng kapayapaan ay may ga-bundok na batong humahadlang dito?"



Mula pa noong panahon ng mga Kastila, nayuyurakan na ang pagkatao nating mga Pilipino. Nasaksihan ng ating mga ninuno kung gaano kasakim ang mga makamundong budhi ng mga mananakop sa atin. Marami ang natakot, nagsawalang-bahala at nagbulag-bulagan sa mga hiyaw, hagulgol at hapis ng kanilang mga kababayan. Sa kabilang banda, marami ang gumising at/o bumangon sa sarili nilang mga paa upang ipaglaban ang karapatan na sa kanilang pananaw ay nararapat lamang na makamit ng bawat isa sa atin. Iba-iba man ang naging sandata ng mga bayaning ito, iisa naman ang kanilang minithi para sa bayan na unti-unting nalulunod sa linamnam ng kumunoy -- ang Kalayaan.



Ngunit teka... sa paglipas ng panahon, kamusta na nga ba ang ating bansa na pilit ibinangon?



Kurapsyon, kahirapan, labis na pamumulitika -- iilan lamang ito sa mga isyung-panlipunan na kinakaharap ng ating bansa sa kasalukuyan. Kung iisipin natin, hindi na rin ito bago sapagkat kung babalikan pa lamang natin ang panahon ni Marcos ay tila laganap na ang mga ito. Gaya nga na nabanggit, marami rin sa ating mga Pilipino ang hindi nagsawalang-kibo na lamang at nakipaglaban para sa kapayapaan ng ating bayan -- maging kapalit man ay mga sarili nilang pawis, luha at -- dugo. At hindi rin natin maikakaila ang mga taong nagtakip ng kani-kanilang tainga't mga mata at sumunod na lamang sa takbo ng tadhana -- at para sa mga relihiyoso -- sa panahon ng inilaan ng Maykapal.



Kung isa ka sa makabagong henerasyon ng kabataan na tulad ko, marahil ay isa ka sa mga unggoy (kung wala nang mas aakma pa) na nakakulong sa isang hawla at naghihintay na lamang ng grasya ng dadapo sa kanila. "Come what may", ika nga.



Ngunit hindi ko naman nilalahat. Hanga din naman talaga ako doon sa mga kabataan na uhaw sa pagbabago at walang takot na ilathala sa sambayanan ang kani-kanilang mga saloobin, mga minimithi. Ngayon, masasabi ko na buo pa rin ang tiwala ko na "ang kabataan ay pag-asa nga bayan", ika nga ni Gat Jose Rizal.



Naniniwala ako na ang buhay ay parang isang sirkulo. Ika nga ng aking guro sa Kasaysayannoong ako ay nasa ika-apat na baitang sa mataas na paaralan: "History is repeating itself." Oo nga naman. Hangga't hindi nagigising ang BUONG sambayanan sa bangungot ng kamunduhan, hindi mawawala ang yakap ng diablo sa ating lipunan. Minsan, kailangan din nating isipin at isapuso na sa kabila ng lahat, tayo ay mga tao pa rin na uhaw na uhaw at naghahangad sa kaunlaran, sa kapayapaan.







Pero bago natin makamit ang mga ito, kailangan muna nating isaksak sa ating mga kokote ang salitang ito -- ang NASYONALISMO. :)

No hay comentarios: