viernes, septiembre 08, 2006

Paghukay sa Diwa ng Himala -- sa Isip, sa Salita at sa Gawa

(3rd paper ko sa Filipino. Ala lang. Feel ko lang i-post. Jejejeje... ;p)



Kailangan pa nga ba natin ng isang bayani?

Isang bayaning magliligtas sa atin sa tuwing sasalakay ang lupon ng kasamaan?

Iyan ang kinatawan ng isa sa maituturing "alamat" -- si Bernardo Carpio. Kagaya ng ibang mga superhero na napapanood natin sa telebisyon, isa siya sa pinagkakatiwalaan ng mga tao sa mga panahong dumadating ang liga ng kadiliman. Ngunit dahil sa isang pagkakataong siya'y iginapos, itinago sa isang liblib na lugar, nabuhay ang mga tao sa takot at pag-asang balang araw ay maililigtas pa rin sila sa tiyak na kapahamakan. The legend lives on, ika nga.

Ipinakikita sa dulang "Walang Himala" ang diwa ng pag-asa at nasyonalismo sa puso ng mga karakter nito. Sinasalamin ng bawat karakter ang katayuan ng bawat Pilipino sa kasalukuyan. Base sa mga karanasan nila sa buhay, ipinadarama nila ang nais nilang sabihin, ipinararating nila ang hinaing ng bawat mamamayang Pilipino hindi lamang sa ating gobyerno kungdi pati na rin sa bawat isa sa atin.

Kagaya na lamang ng karakter na si Edgar. Sumasalamin sa kanyang karakter ang estado ng mga OFW na itinuturing ng karamihan na "bayani". Dahil sa kagustuhan niya na maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan, isinakripisyo niya ang kanyang sarili sa Italya para lang makapagpundar siya ng kahit kaunti para sa ikauunlad ng kanyang pamilya. Ngunit dahil na rin sa katagalan niya doon, nalayo na ang loob ng kanyang pamilya sa kanya. Sa kabila ng lahat, tila nawalan pa ng saysay ang lahat ng pagsasakripisyo ni Edgar dahil bukod sa iniwan na siya ng kanyang asawa, nagdulot pa ito ng galit ng kanyang mga anak para sa kanya. Kaya sa kasawiang-palad, e binawian na siya nga buhay sa isang lugar kung saan wala siyang kakilala, wala siyang karamay sa oras na siya'y nag-iisa.

Sumasalamin naman sa karakter nina Aynong at Marikit ang pag-asa ng bawat Pilipino. Sa kagustuhan ni Aynong ng pagbabago, nilisan niya ang kanyang tribo. Kahit anong impluwensiya ni Marikit na huwag siyang tumuloy e hindi ito naging hadlang kay Aynong upang tuparin niya ang kanyang mga pangarap para sa tingin niyang makabubuti sa kanyang bayan.

Iilan lamang silang nabanggit sa mga karakter sa dula, ngunit kagaya nga ng nabanggit, kinakatawan ng bawat karakter ang katauhan ng bawat isa sa ating mga Pilipino sa ngayon. Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok -- ang Marcos Regime, ang EDSA I Revolution (kung saan naipakita dito ang diwa ng Nasyonalismo ng bawat Pilipino), ang Ramos, Erap at PGMA Administration, at marami pang iba, hindi pa rin nawawala sa ating kamalayan ang pag-asang makakabangon pa rin tayo sa kumunoy ng kasakiman.

Labis-labis ang ating paghahangad sa pagbabago. At dahil dito, naimulat na rin natin ang ating mga puso't diwa upang tayo na mismo ang kumilos. Hindi na natin hinayaan na masayang lang ang ating oras sa paghihintay ng pagkilos ng iisa lamang bagkus, kinatok na natin ang ating kamalayan para isupil na ang mapanirang paghahangad ng iilan para sa kanilang pansariling interes.

Naniniwala akong mayroong himala. Pero kung tatanungin mo ko kung saan at paano natin makakamit ito, nasa ating mga puso -- iyan ang sagot ko.




_090606_

No hay comentarios: